Si Samuel, ang propeta ay natatanging
hinirang ng Diyos. Siya’y anak na lalaki ni Elcana, apo ni Zuf,
at ni Ana ng Ramataim-zofin, isang maburol na lugar sa Efraim.
Siya ang bunga ng taimtim na pananalangin ng kanyang inang si Ana,
matapos ang mahabang panahon ng pagiging baog. Siya ang huli sa
mga hukom ng Israel, sa isang pambihirang kapanahunan na ang buong
bansa ay namuhay sa ilalim ng paghahari at pamumuno ng Diyos.
Buhat sa pagkabata, inihandog ni Samuel sa paglilingkod sa Diyos, sa
paghubog at pangangalaga ni Eli, ang punong pari ng Silo. Kinalaunan,
itinalaga niya ang dalawa sa mga unang hari ng Israel: sina Saul
at David. Bukod pa rito, itinatag niya at ginabayan ang sanayan
ng mga propeta upang makapaghanda ng grupo ng mga manghuhula (hevel)
para sa kapakanan ng bansa. Isa sa kanyang naging tagasunod ay si
Natan.
Si Samuel ay higit sa karaniwang propeta o nabi na siyang tawag sa
kanila sa Hebreo. Siya ay ro’eh
(1 Sam 9) o hozeh, isang
taong
natatalos ang isipan ng Diyos, isang manghuhula batay sa tawag sa
kanila sa sinaunang Israel. Sa ngayon, ang tawag natin sa gayong
manghuhula ay “kontemplatibo/mapagnilay”, isang taong nag-uubos ng
mahabang panahon sa pagsusuri sa mga hiwaga ng Diyos sa Tabernakulo ng
kanyang puso. Ganito ang tuwirang karanasan ni Samuel sapagka’t
noong kanyang kapanahunan, ang Santuwaryo ng Tabernakulo ang tanging
sentro ng pagsamba sa Israel.
Sa pamamagitan nito ay makikita natin na ang salitang Griyegong
theamata o pagsilay sa Diyos
ay walang kinalaman sa pamimilosopong
hanggang utak o ideya lamang. Ang banal na pagninilay ay malalim
na nakaugat sa Bibliya mismo, isang pagkatuklas sa kabanalan na nawala
kay Adan dahil sa kanyang pagsuway sa Diyos. Matapos iyon,
ipinakakaloob na lamang ito ng Diyos bilang kanyang kagandahang-loob sa
mga ro’eh. Isang tunay
na mapagnilay, harapang nakaka-usap ni
Samuel ang Diyos kaya’t lubos ang kabatiran niya sa Kanyang kalooban at
ganap niya itong sinusunod. Ano ang ipinaalam ng Diyos kay Samuel
sa kanilang pag-uusap? Ang parehong katotohanang inihayag ni San
Pablo sa mga Griyego sa Bulubundukin ng Ares sa Athena:
Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng
lahat ng naroroon ang siyang Panginoon ng langit at lupa, kaya’t hindi
siya tumatahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi sa siya’y
nangangailangan ng anuman kaya siya pinaglilingkuran ng tao; sapagka’t
siya ang nagbibigay ng buhay, hininga, at ng lahat ng bagay sa
sangkatauhan. (Gawa 17:24-25)
Layunin ng
Diyos na maging Haring Spiritwal ng Israel sa tunay na kahulugan ng
pagpapasakop sa Diyos at ang punong pari ay dapat makinig sa kanyang
davar sa Banal ng Kabanal-banalan upang ipahayag sa bansa ang Kanyang
mga utos. Ikinalulugod ng Diyos na manahan sa kapayakan ng Tolda
ng tagpuan, “Doon kita tatagpuin sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng
dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga
Israelita.” (Exo 25:22) Nang idaing ni Samuel sa Diyos na gusto ng mga
Israelita na magkaroon sila ng isang hari tulad ng mga pagano sa
karatig bansa, tumugon ang Diyos:
Sundin mong lahat ang sinasabi nila
sapagkat HINDI IKAW KUNDI AKO ANG INAAYAWAN NILANG MAMAHALA SA
KANILA. Ang ginagawa nila sa iyo ngayon ay ginagawa na nila sa
akin buhat pa nang ilabas ko sila sa Ehipto. Noon pa’y tumalikod
na sila sa akin, at naglingkod sa mga diyus-diyusan. (1 Sam 8:7-8)
Isang katawa-tawang ideya ang pumasok sa isipan ni Haring David.
Naisip niyang ipagtayo ang Diyos ng isang templong sedro tulad ng mga
Phoenicians at mga karatig ng bansang pagano. Kinagabihan,
kinatagpo ng Diyos si propeta Natan at sinabi rito:
Ganito ang sabihin mo kay David: Ipagtatayo
mo ba ako ng tahanan? Mula ng ilabas ko sa Ehipto ang Israel,
wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo’y tolda pa
ang aking tahanan. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong
sinabing anuman sa sinumang hukom tungkol sa tahanang sedro na dapat
kong tirahan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking
kawan. (2 Sam 7:5-7)
Ang plano
ng Diyos ay taliwas sa walang taros na pangarap ni haring David.
Binigo ng Diyos ang kahilingang makapagtayo ng templo nguni’t sa halip
ay ipinangako na ipagkakaloob kay David ang isang matatag na
sambayanan, walang gagambala o aalipin at kikilanin ang kanyang
kadakilaan saanmang dako ng mundo at palagi silang sasamahan ng
Diyos. Itatatag ang isang walang hanggang pamumuno, sa ilalim ng
pamumuno ng Mesias, sa dakilang kapangyarihan ni Jesu-Cristo, “ANG
TEMPLO NG DIYOS NA BUHAY” (2 Cor 6:16). Ang hula sa itaas ang
unang malinaw na pahayag ng pagsalungat sa anumang pagbabago ng templo
na papalitan ang Santuwaryo ng Tabernakulo, isang opinyong kinapopootan
ng mga manghuhula sa Lumang Tipan at nabigyang diin ng mga pananalita
ni Isaias:
Ito ang salita ni Yahweh: “Ang aking trono
ay ang kalangitan, at itong daigdig ang aking tuntungan; Saan ka
gagawa, paano mo gagawin ang aking templo, na aking tiraha’t pahingang
dako? Sa lahat ng bagay ang may likha’y ako, ako ang may-ari ng
lahat ng ito. Ang uri ng tao na mahal sa akin at nakakalugod ay
ANG KAHABAG-HABAG AT MABABANG LOOB, sa aking salita siya ay may takot.
(Is 66:1-2)
Sa kabila ng pagtanggi ng Diyos, si Solomon, ang pangalawang anak ni
David at “Bath-seba, anak ni Eliam at asawa ni Uriah, ang Hitano” (2
Sam 11:3) ay nagpatayo ng templo na sadyang KASUKLAM-SUKLAM sa mata ng
Diyos. Inilipat nila ang kaban ng tipan sa bahay ng itong
markadong pagsuway. Ito ang naging simula ng panghihina at
lubusang pagtalikod ng Israel. Nang mamatay si Solomon, nahati
ang kaharian sa Timog at Hilagang kaharian. Sa bahay ng sedrong ito na
itinayo ng mga pagano mula sa Phoenicia, nakita ni propeta Ezekiel ang
“lahat ng kasuklam-suklam nilang gawain, larawan ng lahat ng hayop na
gumagapang, nakapandidiring mga halimaw at ibat-ibang diyus-diyusan ng
Israel” (Ezk 8:9-10). At sa buong panahon ng kanilang pagkatapon
sa Babilonia marahas na pinuna ng mga propeta ang mga ritwal na
isinasagawa roon sapagkat anumang sakripisyo na hiwalay sa ang
KABABAANG-LOOB at PAGBABALIK-LOOB ay kasuklam-suklam sa paningin ng
Diyos, walang laman kundi mayabang na pagtatanghal, walang kahulugan at
hindi katanggap-tanggap sa Kanya. Ang mga punong-pari ng templong
ito na makaitlong beses muling nagtayo nito ang nagpako sa Cristo, ang
Bugtong na Hinirang, siya na pumarito upang “muling ibangon ang
bumagsak na tahanan ni David” (Gawa 15:16) at tinuring ni Santiago sa
kanyang talumpati sa unang pangkalahatang pagtitipon ng Simbahan sa
Jerusalem, siyang tinutukoy sa mga salita ni propeta Amos. (Am 9:11-12):
Katatapos pa lamang
isalaysay ni Simon (Simon Pedro) ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga
Hentil upang sila rin ay maging bayan niya, ayon sa hula ng mga
propeta: “Pagkatapos nito ay babalik ako, At muli kong itatayo ang
bumagsak na tahanan ni David. Muli kong ibabangon mula sa kanyang
pagkaguho, Upang ang Panginoo’y hanapin ng ibang tao, Ng lahat ng
bansang tinawag ko upang maging akin. Gayon ang sabi ng Panginoon
na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.” (Gawa15:14-18)
Ang mapanghusgang pananalita ng ating Panginon at Mananakop tungkol sa
Pitong Puntong Pagtuligsa sa mga eskriba at mga pariseo sa Mateo 23 ay
nakakatakot, mga salitang sumusumpa na muli nating matatagpuan sa
ebanghelyo ni San Marcos (Mk 7:6-7): “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa
inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo tulad ng kanyang sinulat: “Paggalang na
handog sa akin ng bayan ko’y paimbabaw lamang. Sapagka’t sa bibig
at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri’t pagsambang ginagawa
nila’y walang kabuluhan, ang utos ng tao’y itinuturong utos ng
Maykapal. (Is 29:13; Awit 78:36ss). Winika niya sa babaing
Samaritana sa tabi ng balon:
Ngunit dumating na ang
panahon—ngayon na nga—na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba
sa kanya sa ESPIRITU AT KATOTOHANAN. Sapagkat ito ang hinahanap
ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay Espiritu kaya’t dapat
siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan. (Jn 4:23-24)
Sa paningin ni Jesus, ang pagsamba sa templo ay kasuklam-suklam,
“Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Jesus sa
Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga
tupa, at mga kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. Gumawa
siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mga
mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng
mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya
sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag
ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng
kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa
iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” Dahil dito’y
tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang
patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Jesus,
“Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob lamang ng
tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu’t anim na taon na
ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong
araw?” Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang
katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang
mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga
sinabi ni Jesus. (Jn 2:13-22)
Tandaan natin na dahil sa mga pananalitang ito ni Jesus, ipinapako siya
sa krus ng buong Senedrin ng
mga Judio. (Mt 26:62;Mk 14:58). Ang
katotohanang ito ang napagmuni ng mga ro’eh sa Lumang Tipan sa kanilang
mga pagtuligsa at mga pagbabawal sa pagtatayo ng templo, tulad ng di
pagsang-ayon ng Diyos mismo (1 Sam 7:5-7). DAHIL SA KATOTOHANANG
ITO, ANG TEOLOHIYA TUNGKOL SA TABERNAKULO AY NAPAKAHALAGA SA LAHAT NG
KRISTIYANO.
Ngayon naman ay baguhin natin ang isang bahagi ng katotohanang
tinalakay sa itaas at ituon ang ating pansin sa “Manwal ng Spiritwal na
Pakikidigma,” ito ay ang Aklat ni Josue. Minsan bawa’t araw sa
loob ng anim na araw nilibot nila ang Jerico. Sa ikapitong araw,
makapitong beses nilang niligid ang lungsod hanggang sa bumagsak ang
muog at walang sagabal nakapasok at naagaw nila ang lungsod. (Jos
6:20). Ikutin naman natin ang mga muog ng lungsod ng European
Union. (Unyon ng mga Bansa sa Europa) Sa ilalim ng pamumuno ng
ateistang mga mason sa pamahalaang Pranses, inalis nila ang Banal na
Pangalan ng Diyos sa kanilang bagong saligang batas. Kahapon,
nabasa ng aking mga mata sa pahayagan ang pagtitiwalag nila sa 12 mga
batang babae buhat sa paaralang pampubliko dahil may dala silang mga
krus sa klase. Sa Sweden, ipinakulong nila ng 30 araw ang isang
ministro ng Pentecostal dahil namagitan siya para sa mga bakla at
tomboy na dumalo sa serbisyo sa kanyang simbahan. Sa Espanya, ang
pamahalaang sosyalista ay nagtatatag muli ng halos lahat ng mga batas
na tanggap sa Unyon Soviet. Kaya, pwede nating ituloy tuloy ang
mga katulad na mga pangyayari. Matatambad sa ating mga mata ang
pagsibol ng Namamatay ng Kristiyanismo sa Europa. Kasisindakan
natin ang panahon kapag ang Turkey, ang pinakamalaking bansa, ay sasapi
sa Unyon ng mga bansang Europa bitbit ang pananampalatayang Islam.
Sa pangpanguluhang eleksyon sa Estados Unidos, sa hindi inaasahang
resulta batay sa pananaw ng Europeo, may bagong nangyari rito.
Nagkapit bisig ang mga Kristiyano at halos IISANG KILOS ay binantayan
nila ang mga pangunahing gawing Kristiyano. Walang higit na
kintatakutan ang mga pulitiko kung hindi ang MAWALAN NG BOTO, dahil
mawawalan sila ng kapangyarihan. Kapag ang mga pulitiko sa Europa
ay mahaharap sa parehong kalagayan tulad ng mga Demokrata sa Estados
Unidos, mapagtatanto rin nila na ang MARAMING WALANG TINIG ay mayroon
ding lakas at kapangyarihan. Kakailanganin din nilang magbago ng
pamamaraan. Ito rin ang dapat maganap sa Europa. Ito ay
KUNG, ang mga botante sa Europa ay handang ipaglaban at pangalagaan ang
kanilang pagka-Kristiyano. Kung hindi, magpapatuloy ang Europa sa
pagwawasak, sa pagbubura ng lahat ng anumang nalalabi sa dangal ng
Kristiyano buhat sa mga aklat ng batas nito.
Ang katotohanang ito ay lalong nagbibigay liwanag sa KAHALAGAHAN NG
TEOLOHIYA NG TABERNAKULO PARA SA LAHAT NG KRISTIYANO. Dito ang
mga trumpeta ay HIHIPAN TANDA NG SIMULA NG LABANAN, pagtawag sa bawat
isa na malilimi lamang ng mga nananatili sa Santuwaryo ng Diyos na
Buhay sa kanyang patuloy na pananalangin. Kaya marapat lamang na
sa bahaging ito ay gunitain ang mga pahayag ni Winston Churchill:
Hindi tayo manghihina o mabibigo.
Ipagpapatuloy natin ang laban hanggang wakas. Lalaban tayo sa
Pransya, lalaban tayo sa laot man o sa karagatan, lalaban tayong ramdam
ang lumalakas na tiwala at may buong kakayahan, ipagtatanggol natin ang
ating lupain, anuman ang mangyari o maging katumbas nito. Lalaban
tayo sa mga dalampasigan, lalaban tayo maging sa kapatagan, lalaban
tayo sa kaparangan at mga lansangan o maging sa mga bulubundukin at
kabundukan: HINDI TAYO SUSUKO. [1]