Ang Santuwaryo ng tabernakulo sa disyerto ng Lumang Tipan ay isang  paghahayag sa pagdating ng Simbahan.  Sa Simbahan, detalyadong ilalantad ng Diyos ang kalooban niya at plano na maging sambayanan ng Kanyang Buhay na katawan; isang lugar para sa pagpapabanal ng tao sa karaniwan at maringal na pagkapari sa Bagong Tipan.  Noong ika-4 na dantaon, tinalakay ni San Gregorio, Obispo ng Nyssa (335-395) ang hiwaga ng Tabernakulo sa isang maringal na paraan na pinangalanan niyang he skini tou mysteriou Theou (Ang Tabernakulo ng Hiwaga ng Diyos).  Sa kanyang aklat, ANG BUHAY NI MOISES,  tinalakay niya ng detalyado ang hiwagang ito.  Itinuring ni San Agustin ng Hippo (d.430) ang tabernakulo bilang pangunahing tanda o pang-unang paglalarawan ng Simbahan.  Sa aklat ng Lungsod ng Diyos, binanggit niya;

Sapagkat hindi lamang ang nga nasulat na mga hula, hindi lamang ang mga utos sa mabuting pamumuhay ang magtuturo ng tamang asal at pagpapakabanal na matatagpuan sa Banal na Kasulatan --- hindi lamang ang mga ito, kundi maging ang mga ritual, pagkapari, tabernakulo o templo, mga altar, mga pag-aalay, mga seremonya/pagdiriwang, at anumang paglilingkod na angkop para sa Diyos.  Ang angkop na tawag dito sa wikang Griyego ay latreia.  Lahat ng ito ay naging tanda at naunang nagpahayag ng mga bagay na yaon.  Tayong nananalig kay Jesu-Cristo
hanggang sa buhay na walang hanggan ay naniniwalang natupad na, o nagmamasid sa proseso tungo sa kaganapan, o buong tiwalang nananalig na sadyang magaganap pa. [1]

Binigyang diin ni San Juan Damascus (675-749) ang katotohanang ito.  Sa kanyang tanyag na sinulat, Sa Pagtatanggol sa mga Banal na Larawan (Icons), binanggit niya:



 
  
Anumang maka-Diyos ay walang pagkupas; walang magiging pagbabago sa kanya, o maging aninaw man lang ng pagbabago.  Si Pinagpalang Denis, sa kanyang pag-aaral sa mga banal na bagay sa harap ng Diyos ay nagsabi, na ang mga simbolo at mga larawang ito ay itinakda na noonpaman.  Sa kanyang layon, itinakda at tiniyak na ng Diyos ang lahat ng kanyang gagawin.  Hindi na magbabago ang mga magaganap na mga pangyayari bago pa man mangyari ang mga ito.  Katulad din ito ng isang taong nais magtayo ng kanyang bahay.  Uunahin niyang pag-isipan ang paggawa ng plano. Muli, ang mga bagay na nakikita ay paglalarawan ng mga hindi nakikita ni nahahawakang mga bagay.  Datapwat maaaninag sa kanila ang pusikit na liwanag.[2]

Ang Santuwaryong tinutukoy ni San Juan Damascus ay ang Santuwaryo sa Disyerto ni Moises. Idinagdag niya bilang pagtatanggol sa mga banal na larawan,

Anong tabernakulo ito?  Di ba ito isang larawan?  Hindi ba ito tanda at larawan?  Kayat binanggit ng alagad kaugnay sa pagsunod sa batas, “Ang batas ay sumasailalim sa mga halimbawa at liwanag ng mga bagay na makalangit” tulad ng naging tugon kay Moises nang kanya ng tatapusin ang tabernakulo:  “Siguruhin mo” (Wika niya), “na gagawin mo ang lahat ng bagay ayon sa pamantayang ipinakita sa iyo sa Bundok.”  Datapwat ang batas ay hindi ang larawan.  Nalambungan nito ang larawan.  Sa pananalita pa rin ng Alagad, ang batas, ay
naglalaman lamang ng anino ng mga bagay na darating , hindi ng mga sadyang larawan ng mga bagay na yaon.  Sapagkat kung ipagbabawal ng batas ang mga larawan at hayaang ito mismo ang manguna sa mga larawan, ano ang masasabi natin?  Kung ang tabernakulo ay isang larawan at halimbawa ng isang modelo, bakit hindi ipinagbabawal ng batas ang paggawa ng larawan?  Datapwat hindi ito ang talagang nangyayari.  May takdang panahon para sa lahat ng bagay.
[3]



Matapat na inihayag ni San Juan ang pangangalaga sa mga kaugalianng mga unang alagad na ipinagpapatuloy sa bagong tatag na Simbahan,na matutunghayan sa Sulat sa mga Hebreo.  Sinabi ni San Agustin na mauunawaan lamang natin ang mga banal na larawan sa Lumang Tipan sa liwanag ng pagkakatawang tao ni Cristo.  Ipinaliwanag niya ito sa kanyang sinulat na De Doctrinae, kung saan binanggit niya ang Panginoong Jesu-Cristo bilang tanging res (bagay) at lahat ng iba pang bahagi ng katotohanan ay signum o tumuturo sa katotohanang ito --- ang tanging signum universal in significando.  Sinundan nina Sta Teresa ng Avila at San Juan dela Cruz ang signum na ito sa kanilang pakikipagtagpo sa Diyos.  Kayat winika ng la Mader fundadora, kapag binabanggit ang Santuwaryo ng Diyos bilang lugar nang maalab na pananalangin,

Dito, ipinagkaloob ang saganang tubig sa sugatang usa. Dito, masusumpungan ang kagalakan sa tabernakulo ng Diyos.  [4]



Pinahalagahan ni San Juan dela Cruz ang Santuwaryo bilang kanlungan ng pinakadakilang yugto ng pagdidili-dili, nang isulat niya,

Kapag sumasapi ang Diyos sa kanila, palapit sa kanya parang lalong nakadarama ng kadiliman ang mapalapit sa kanya, na waring ito ang tabernakulong kanyang pinananahanan.[5]
Isinalin ng mga ama ng simbahang Latino ang salitang Griego theamata o ang pagkabanaag sa katotohanang ng Diyos/pananatili ng Diyos bilang contemplatio.  Ang unlaping con, na ibig sabihin “nasa” o “kasama” at templatio na hango sa pangngalang Latino templum o “templo”.  Ngunit higit na nagbigay liwanag sa tunay na halaga ng banal na larawan ng Santuwaryo ng Tabernakulo ang pahayag mula sa mga banal na ama sa Litanya ng Banal na Puso,

Puso ni Jesus, banal na templo ng Diyos…..Puso ni Jesus, tabernakulo ng kataas-taasan….. Puso ni Jesus, tahanan ng Diyos at pinto ng langit. [6]


Ang Puso ni Jesus ang naging pinto ng langit para kay Elizabeth ng Santisima Trinidad.  Pinagnilayan niya ang walang hanggang awa at hiwaga, ang natatangi at iisang pagtibok nito,

<>Nasa isang banal na pagsasanay kami.  Isang pagsasanay na kahanga-hanga, nagbibigay-buhay at maka Diyos.  Sa lahat ng oras, laging Jesu-Cristo ang bukang bibig ni Padre Vallee.  Anumang aming pinagkakaabalahan, dapat kaming laging kaisa ng Salitang Nagkatawang Tao, si Jesus.  Nananahan siya sa amin at hangad niyang makasalo kami sa kanyang hiwaga.  Bago siya magpakasakit, nanalangin Siya sa kanyang Ama sa langit, para sa kanyang sarili at sa mga alagad.  Palagi siyang namumuhay at kumikilos sa piling natin.  Yamang pinatatatag niya ang ating kalooban, naway Siya ang maging lakas ng ating pagkatao, ng ating buong buhay, sa gayon ay masambit natin tulad ni San Pablo, “Sapagkat ang buhay ko ay si Cristo”.  Buong puso niyang hinahangad na huwag malulungkot ang tao, makagawa man siya ng bagay na taliwas sa kanyang kalooban.  Siya ang Tagapagligtas at ang Banal niyang tungkulin ay magpatawad.  Ito ang mga itinuro sa amin ng Paring Dominakano sa mga banal na araw na ito, ‘Pinarating ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin.  Tinanggap naman nila ito at naniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.”  “Iisa lamang ang itinitibok ng Banal na Puso ni Cristo, linisin ang kasalanan ng tao at akayin sila patungo sa Diyos.” [7]
<>


Ang Santuwaryo ng Tabernakulo ay isang tiyak at maayos na plano kung saan ang diyos “ay nagtakda at tiniyak ang lahat ng kanyang gagawin” (San Juan Damascus) sa kanyang pagtatalaga sa Bagong Tipan. Buo ang karapatan, tawagin natin itong Ang muling pag-inog ng Espiritu Santo.  Sa kaganapan ng biyaya, ang Banal na Puso ni Jesus ang naglalapit sa atin sa kanya.  Ang ating Panginoon at Tagapagligtas mismo ang nagsabing gagawin niya ito habang kasama natin Siya sa lupa, “ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao” (Juan 12.32).  Ang Diyos Espiritu Santo ang naglalapit sa atin sa Banal na Puso habang ating nininilay ang mga hiwaga ng Tabernakulo.  Kaya, sa kagandahang loob ng Diyos, kasama tayong sumasamba sa Trono ng Grasya sa makalangit na Tabernakulo.  Angkop sa tinuring ni San Silouan, ang Athos (1886-1932), “Ang Banal na Espiritu ang lumalaganap sa lahat ng nasa langit at nasa lupa.”





Maaari tayong sumipi ng libo-libong mga patotoo mula sa mga banal na ama at ina ng Simbahan sa Patrologia Greace at Patrologia Latina tungkol sa biyayang nagpapabanal na natatago sa Santuwaryo ng ating Diyos na Buhay.  Marami sa kanila ay matatagpuan sa aklat sa ibaba,  Ang Gintong Tahanan ng Diyos: Ang Tabernakulo sa Disyerto ni Moises bilang isang Pamantayan sa Pananalangin ng Puso.  Ang aklat na ito ay bunga ng 25 taong pagninilay/pagdidili-dili.  Ang inihahayag ukol sa Santuwaryo ay masusing tinatalakay, datapwat ito ay daramtan ng mga kasuotan ng ating Panginoong Jesu-Cristo bilang “Dakilang Saserdote na namamahala sa Santuwaryo ng Diyos” (Heb 10.22).  Ang kanyang kabunyian ay para sa atin “na ginawang karunungan mula sa Diyos.  Sa pamamagitan niya, tayo’y pinawalang sala, pinapaging-banal at iniligtas” (1 Cor 1.30).  “Sa gayon, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging ganap ni Cristo” (Ep 4.30).  Maaari mong silipin ang ilang halaw buhat sa aklat sa Galeriya sa
ibaba.



             

Tayo ng makinig sa payo ni Isaac, ang Syrian (ika-7 siglo).  Matutuklasan natin na ang Santuwaryo ng Tabernakulo ay ang Hagdan ni Jacob patungong langit at ang tulay sa pagitan ng Diyos at ng mga tao.

Sikaping mapasok ang pinakaloob na yaman ng kabahayan at iyong matutunghayan ang kabang yaman ng langit.  Sapagkat ang dalawa ay magkapareho lamang, iisa ang pasukang maglalantad sa dalawa.  Ang hagdan patungo sa kaharian ay natatago sa kalooban mo, nasa iyong puso.  Talikuran ang kasalanan at iyong matatagpuan ang mga hagdanan na mag-aakyat sa iyo paitaas. [8]

Uulitin lamang natin ang namutawi sa bibig ng Mahal na Birhen na sinabi niya kay Mariette, ang propeta sa Banneux sa Belgium, Bon Voyage! (Maligayang Paglalakbay!)


MGA TALA

[1]. City of God, VII. 32
[2]. A Select Library of Nicene and Post-Nicene Fathers of the Christian Church, Second Series, Volume IX.
[3]. Ibid.
[4]. Interior Castle, 7. 3, 13.
[5]. The Dark Night, II. 16, 11.
[6]. The Litany of the Sacred Heart.
[7]. Ecrits spiritueles d’Elisabeth de la Trinité,  28.
[8]. Patrologia Greaca, 44. 405 A-D.



SUNOD-SUNOD NA PALABAS TUNKOL SA SANTUWARYO